This is a pinoy free channel (for OFW), re-channel your receiver requency.




”This is a FREE Pinoy TV(OFW) all Filipino channels. Please re-channel your receiver frequency to get this channel specially from the Middle East.”

Watch PATV, the only one free channel TV for OFW around the world. Be a member also with IMPOK Service Cooperative for OFW – You can visit them in their website at http://www.impokpatv.com/ and learn more about them


Friday, October 7, 2011

Buhay OFW (Overseas Filipino Workers)

(Sourced) : Kwento ni Noel Ablon

Noong ako'y musmos pa lamang, naalala ko ang eksenang umuuwi ang galling sa bansa ng mga Arabo. Nakita ko si ninong na may kwintas na ginto at magarang relong Seiko 5. At talaga naman pinupugaran ng mga kamag-anak ang kanilang tahanan sa tuwing dumarating ito.


Naisip ko tuloy na napakasarap siguro ng buhay nila sa Saudi dahil nagagawa nilang bumili ng mga mamahaling bagay. Siguro nga ang sabi ko lamang sa aking isipan.

Noong ako ay nagtapos ng bokasyonal na Computer Programming, ni ga-patak na ideya ay pumasok sa isip ko na makakarating ako sa Saudi. May isa akong kaibigan noon na nagtungo sa Jeddah-Saudi upang magtrabaho, mga isang taon din siya noon sa Saudi. Nang minsang hiningi niya sa akin ang aking resume ay ibinigay ko naman kahit na ayaw ko. Kasi talagang ayokong umalis ng pinakamamahal nating bansa. Noong mga panahon na iyon ay may maayos naman akong trabaho at magandang posisyon.

Balita
Isang araw na lang ay ibinalita sa akin ng aking kaibigan na gaya ko ring nagpasa ng resume. Tanggap daw kami at lakarin na raw namin ang aming papel para tumungo na sa lugar na iyon. Talaga namang magkahalong tuwa at lungkot ang nadama ko ng mga oras na iyon. Hindi ko alam kung nananaginip ba ako o totoo ang lahat ng narinig ko.

Sentimyento ni MommyAng naaalala ko noon ay nasa opisina ako ng matanggap ko ang tawag ng aking kaibigan. Hindi ako nakakibo ng mga oras na iyon hanggang sa umuwi ako. Nang ibalita ko iyon sa aking minamahal na ina ay talaga naming sentimyento de kalbaryo ang narinig ko mula sa kanya hehe! Paano na raw ang gagawin niya sa oras na umalis ako, sino ang tutulong sa kanya sa pagkalinga sa mga kapatid ko at kung ano-ano pa. Gusto ko sanang biruin na “Ayaw niyo pala akong umalis e di sige, hindi ako aalis!”, pero alam ko nung mga oras na iyon, yun ang pinaka-seryosong usapan namin ni Mommy.

Malaking hirap din ang dinanas ni Mommy para kami pagtapusin kahit ako ay sa isang vocational school lang nag-aral. At sa tanang buhay ko ay minsan ko lang makitang tumawa o ngumiti si Mommy kaya naman nagdiriwang ang mga anghel sa tuwing maririnig ko ang halakhak niya kahit na minsan ay nagmumukha akong tanga sa ginagawa ko. Ngayon pagkakataon ko na para palitan ang hirap na iyon.

Paglisan
At tumungo na nga ako ng Jeddah, Saudi Arabia. Hindi ko na matandaan ang petsa pero iyon ay sa buwan ng Nobyembre, taong 1998. Sa eroplano pa lang ay maluha-luha na ako. Ganun pala ang pakiramdam ng paalis ng bansa at mapapalayo sa aking pamilya. Pero nagbago iyon nang lingunin ko ang kaibigan kong kasama kong natanggap, bakas sa mukha niya ang excitement ng freedom kaya naman natameme ako at parang nakaramdam ng kaunting hiya. Siguro ganun din ang feeling niya at magaling lang siyang magtago ng kanyang nararamdaman, yun na lang ang sinabi ko sa aking sarili para naman di ako masyadong mapahiya sa sarili ko hehe!

Jeddah, Saudi Arabia Paglapag namin sa paliparan ng King Abdulaziz International Airport-Jeddah ay katakot-takot na paghahalungkat ang ginawa ng mga arabo sa gamit ko. Feeling ko, sinusungkal ang buong pagkatao ko sa tuwing ipapasok niya ang kamay sa ilalim ng maleta ko hanggang sa iluwal niya ang mga gamit ko sa ilalim. At natapos naman ang sungkalan blues ng walang naging problema. Wala silang nakitang anumang interesado sa aking maleta maliban sa brief kong pula na pagkatingkad-tingkad ng kulay, siyempre bumili ako ng bago nakakahiya namang isampay yung mga luma kong butas-butas na brief at iwagayway sa mga magiging kapit-kwarto ko di ba? Kung bakit naman kasi kailangan pang halungkatin ng husto ang gamit eh.

Maraming pumapasok sa isipan ko nang mga oras na iyon, kung anong mga kahaharapin kong tao at kung ano-ano pang bumabagabag sa isip ko, mga pangamba sa maaaring mga suliraning kahaharapin ko.
Sinalubong kami ng dalawang kaibigan at magiging officemates naming kasama nila si Kuya Nanding. Sa ngiti pa lang ng matanda ay mawawala na ang pangamba mo sa buhay. Si Kuya Nanding ang tatay-tatayan namin sa Jeddah, isa sa mahalaga at naging malaking sangkap sa tagumpay ko upang mapaglabanan ang lungkot at pakikibaka sa banyagang lugar – dito ngayon, ako ay isa sa mga banyaga.

Sa church kami tumuloy at doon na din kami tutuloy hanggang kalian daw namin naiisin. Si Kuya Nanding ang pastor ng church na iyon kasama din niya bilang pastor si Kuya Manolo.

Naging madali naman ang pakikitungo namin sa mga boss namin dahil mababait naman sila, meron ding mga hindi kanais-nais pero mapalad daw kami dahil marami ding kaming mga mababait na kasamahan sa trabaho na mga arabo.

Homesickness, pag-aalala at mga alaala
Nang makibalita ako sa Pinas ay nalaman kong hindi masyadong nagkaka-kain ang bunso kong kapatid na noong mga panahong iyon ay magwa-walong taon pa lamang. Miss na miss daw ako. Talaga namang halos matunaw ang puso ko sa lungkot at homesickness. Siguro dahil sa kasabikan ko noong magkaroon ng kapatid na lalaki, tapos nung meron na ay umalis naman ako at tumungo dito sa Jeddah. Na-miss ko rin ang pagtatalo namin ng kapatid kong babaeng sumunod sa akin, di ko akalaing mapapaluha ako habang iniisip ko ang away blues namin.

Ang ipinag-aalala ko lang noon ay kung magalit si Mommy ay talagang matindi kung ito ay mamalo, to the point na pag may nakuhang pamalo kung paano niya ito kinuha ay ganoon niya ipapalo sa’yo – isa sa madalas na pinag-aawayan nila ng yumao kong ama. Naaalala ko nang magalit siya sa bunso kong kapatid, kumuha siya ng sinturon at kitang-kita ko nang ibalunbon niya ang sinturon sa kanyang kamao habang nakalaylay ang bakal sa dulo nito, kaya ng kanya itong inihataw ay humarang ako pagkat alam ko masasaktan ng husto ang kapatid ko – hindi alam ni Mommy yun dahil sa sobrang galit. Masakit pala talaga ang palo ng sinturon lalo kung ang nasa dulo ay bakal – yun ang unang palang tinamo ko na hindi para sa akin. Isa pang naaalala ko ay nang magalit si Mommy sa kapatid kong babae. Ilang beses na kasing binigyan ng warning itong kapatid ko na magpa-paalam ng wasto pero hindi pa rin nagtanda, ang warning noon ni Mommy ay kakalbuhin siya. Pagkasundo namin sa aking kapatid ay sinapak niya ito at dinala sa kwarto at katakot-takot na sigaw at sampal at sapak ang inabot nito. Ng maranig ko na hinahanap niya ang gunting para kalbuhin ay nagmamadali akong itinago ang mga gunting, inutusan ko pa ang mga katulong na itago ang gunting dahil baka hindi lang kalbo abutin ng kapatid ko, dahil di ko alam baka magdilim ang tingin ni Mommy at baka isaksak sa kapatid ko. So sa kabila ng lagi naming pagtatalo ng kapatid ko ay mahal ko ang mga ito. Pasensya na at nasama ito sa buhay Saudi, naisip ko lang kasi noon wala ng pipigil sa galit ni Mommy.

Misteryo ng Saudi Balik Saudi tayo. Dito ay nakarinig ako ng ibang panig ng kwento ng Saudi. Mga bagay na di ko narinig noong ako ay nasa Pinas pa lamang. Naaalala ko yung kantang “Napakasakit Kuya Eddie” at doon ay marami akong narinig na ganoon ang naging buhay, totoo pala yung kanta ang sabi ko na lang sa aking sarili. Marami dito ang namumuhay na kasama ang ibang pamilya at walang exception, mapa-babae o lalake. Kabilaan ang imoralidad. Di ko alam kung ganoon din sa Pinas o mas marami pa dito, pero dahil siguro sa iilan lamang ang mga Pinoy dito kumapara mo naman sa Pinas siyempre. Kaya naging kapansin-pansin ang imoralidad sa lugar na ito. Hindi naging maganda ang kontribusyon sa akin nito, pagkat nagkaroon ako ng takot na mag-asawa sa mga nakita ko. Galing ako sa isang broken family kaya isang trauma na sa akin iyon, pero di ko akalaing mapupunta ako sa lugar na marami akong makikitang ganoon. Naaalala ko tuloy ang itinuro sa amin sa Bible study, parang Babylonia ito ng mga kababayan natin. Pero hindi naman lahat ay ganoon, bago kayo mangamba. Since nakatira ako sa church ay marami akong nakilalang tao, mababait at matulungin naman ang mga nakasama ko.

Paskong Bakasyon
At bago ako nagbilang ako ng mga taon dito sa Saudi. Naalala ko noong una akong mag-bakasyon ay talaga namang super-excited ako, lahat na yata ng klase ng tsokolate ay binili ko. At para dagdagan pa ang excitement ko ay umuwi ako ng Pasko. Sa kabila ng mga paalala sa akin na wag akong umuwi ng Pasko ay tumuloy ako. Magastos daw ang buwan na iyon. Naging masaya ang aking bakasyon kapiling ng aking pamilya. Totoo ang sinabi nila, magastos. Halos magtatatlong linggo pa lang ako ay nauubos na ang pera ko at parang gusto ko ng bumalik ng Jeddah, hindi dahil sa ayaw ko na silang makasama kundi dahil wala na akong pera at pakiramdam ko ay balik palamunin na ako. Pero awa ng Diyos ay napagtagumpayan ko ang una kong bakasyon. Malaking leksyon sa aking buhay. Atleast ngayon kahit pasko ako umuwi ay alam ko na ang gagawin ko para umabot sa katapusan ng bakasyon na hindi nauubos ang pera.

Ang sentimyento ng mga OFW
Nagbilang pa ako ng mga taon at ang isang masasabi ko lang ay hindi naging madali ang buhay sa Saudi o maaaring mamuhay sa ibang lugar. Nakahanap na rin ako ng kasiyahan sa lugar na ito pero hindi pa rin ito mapapalitan ng ligayang nadarama ko kapag kasama ang aking pamilya. Hindi maiiwasan sa mga kababayan natin ang magtampo kapag hindi sila naaalala ng mga taong binibigyan o binigyan ng tulong sa Pinas. Bakit hindi? Pagkat ang isa sa mga inaasahang aalala sayo ay walang iba kundi ang pamilya mo. Nagpakahirap ka na humarap at makipag-sapalaran kasama ng ibang mapanglait na tao, tinanggap mo ang mga mura at alipusta ng mga nakatataas sayo na kung ituring ka ay isa kang dumi sa harap nila. Mga bagay na hinarap mo para lamang matustusan ang mga pangangailangan ng iyong pamilya.

Sana sa mga asawa o pamilya ng mga kababayan dito sa Saudi, alalahanin niyo kami at unawain. Gusto naming marinig bawat balita mapa-masama man ito o higit ang mga magagandang balita. Isang sentimyento ng isang nakilala ko dito, sa tuwing tatawag daw misis niya ay puro gastusin ang sinasabi sa kanya – talaga namang lungkot na lungkot ang nakikita ko sa taong iyon. Ito marahil ang isa sa dahilan kung bakit naghanap ng ibang ligaya ang karamihan sa mga kababayan natin dito.

Hindi lang sa Saudi, maging sa ibang bansa. Ang pakikipag-sapalaran ng bawat kababayan natin lalo sa panahon ngayon na ang ibang mga lahi ay bumamaba na ang tingin sa ating mga Filipino. Kung minsan kapwa Filipino na rin ay bumababa na ang tingin sa kanilang sarili. Pamilya lamang ang ligaya namin at siyang isang bagay na nagpapatibay sa amin.

Mabuhay ang mga OFW.

No comments:

Post a Comment